Patay ang lider at isang miyembro ng Bonnet Gang matapos silang makipagbarilan sa pulisya sa Victoria, Laguna. Ang mga suspek, responsable umano sa pagpatay ng ilang pulis at pulitiko.
Sa ulat ni James Agustin sa GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkoles, makikita ang pagsalakay ng mga awtoridad sa isang bahay sa nasabing lugar sa bisa ng warrant of arrest.
Ngunit sa halip na sumuko, lumaban umano ang lider ng grupo na si Christopher Teñido at kasamahan niyang si Ruperto Pabalan, kaagad nilang ikinasawi.
Kabilang umano si Teñido sa listahan ng regional most wanted person.
Samantala, todo-tanggi naman ang isang babae matapos mahulihan ng shabu sa kaniyang tahanan sa Dasmariñas, Cavite.
Kinilala ang suspek na si Meldy Anoche, 32-anyos, kung saan aabot sa sampung gramo ng shabu ang nakuha sa kaniya.
Sa Balatan, Camarines Sur naman, isang ama ang inaresto matapos ding mahulihan ng droga.
Ayon sa suspek na si Nelson Albao, 30-anyos, hindi pa nag-aalmusal ang kaniyang pamilya kaya napilitan siyang magbenta ng droga.
Hindi naman alam ni Albao na pulis ang kaniyang nakatransaksiyon.
Dalawang pakete ng hinihinalang shabu ang nakuha sa kaniya.
"Bali dati na po siyang nag-surrender pero hindi naman po nag-attend sa programa ng gobyerno. Siguro patuloy pa rin 'yung transaksyon niya kaya ito po nag-conduct na ng operation laban sa kaniya po," sabi ni Police Senior Sargeant Ritche Doctolero, PIO - Balatan Police.--Jamil Santos/FRJ, GMA News
