Wala nang buhay at tadtad ng hindi pa mabilang na saksak nang matagpuan ang isang ginang sa kanilang bahay sa Parañaque City. Ang pulisya, mayroong 20 "persons of interest" sa krimen, kabilang ang mister ng biktima.
Ayon sa ulat ni Ivan Mayrina sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabi ni Noel Torres, na Martes ng umaga nang huli niyang nakitang buhay ang kaniyang 29-anyos na asawa na si Cristine.
Pag-uwi niya sa bahay, doon na niya nakita ang bangkay ng kaniyang misis na duguan, at may gumalaw din sa kanilang vault.
Marami umanong sugat na tinamo ang biktima sa kamay na indikasyon daw na pinilit pa nitong lumaban sa hindi pa natutukoy na mga salarin.
Nasabi naman ng Parañaque police na posibleng pinalo o binagsakan din ng matigas na gamit ang ulo ng biktima.
Ayon kay Torres, mabigat ang vault at hindi kayang buhatin ng isang tao kaya naniniwala siyang hindi lang isa ang umatake sa kaniyang asawa.
Pagnanakaw ang lumalabas na pangunahing motibo sa krimen dahil bukod pa sa paghalughog sa vault, nawawala rin ang mga kuwintas, mamahaling cellphone at 'di pa malamang halaga ng pera ang biktima.
Kahit nagluluksa, isinama pa rin ng pulisya si Torres sa listahan nila ng "person of interest."
"Isinasailalin din namin siya sa fingerprint, mugshot at saka sa medico legal kung meron siyang sugat sa katawan. Dahil 'di namin inaalis yung anggulo na baka nag-away sila, maaaring ano 'yan sa mag-asawa, maaaring domestic violence," paliwanag ni Major Fernando Carlos, OIC ng SID Parañaque PNP.
Kasama rin sa persons of interest ang mahigit 20 construction worker sa isang project sa tabi ng bahay ng biktima.
Pinaghahanap daw nila ngayon ang isa sa kanila na hindi na raw bumalik sa construction site matapos makunan ng fingerprint.
Iginiit naman ni Torres na wala siyang kinalaman sa pagkamatay ng kaniyang asawa at handa raw siyang magbigay ng P500,000 hanggang P1 milyon para mahuli ang salarin.-- Margaret Claire Layug/FRJ, GMA News
