May pagkakataon pang masagip sa euthanize o mercy killing ang 100 aso na nasa dog pound ng San Jose Del Monte, Bulacan kung mayroong aampon sa kanila.
Sa ulat ni Susan Enriquez sa GMA News TV "Quick Response Team," nitong Biyernes, ipinakita ang nahuling mga aso na pagala-gala at karamihan ay wala nang nag-aalaga.
May sakit na rin ang ilan sa mga aso pero nasa maayos pang kondisyon ang karamihan.
Nakatakda sanang isasailalim sa euthanasia ang mga aso sa Sabado pero inihinto muna ito ng City Veterinary Office.
"As a matter of routine po 'yung ginagawa namin, 'pag nakikita namin na may nag-a-adopt, interesado pa sila, we extend... 'Yung euthanasia last recourse namin kung talagang walang a-adopt, yung matitira, sinu-subject namin sa euthanasia,” sabi ni Dr. Alejandro Enciso, Regulatory Service Division, San Jose Del Monte Bulacan.
Nakasaad sa Anti-rabies Act na maaaring ipa-adopt ang mga nahuli at dinalang aso sa dog pound matapos ang tatlong araw na walang kumuha sa kanila. Kung wala pa rin mag-aampon ay maaari na silang isailalim sa euthanasia.
May mga tao nang dumating sa dog pound at nag-ampon ng aso, pero hindi puwedeng patagalin ang pagpapaliban ng euthanasia dahil magastos umano ang pag-aasikaso sa kanila.
Sinabi ng Philippine Animal Welfare Society o PAWS na dumarami talaga ang populasyon ng mga alagang hayop dahil hindi nagpapakapon ng kanilang mga alaga ang maraming pet owners.
"Ang long term solution ay magpakapon... Kung hindi ka nagpapakapon ng alaga mong hayop, ikaw ay partly responsible for the stray problem," sabi ni Anna Cabrera, PAWS.
May kamahalan ang pagpapakapon ng hayop, na aabot sa P3,000 hanggang P5,000.
Bilang lang din sa mga lokal na pamahalaan ang nagbibigay ng libreng kapon sa mga aso kaya ang ilang grupo gaya ng PAWS, nagbibigay din ng libre o discounted na presyo.
"We offer it all year round. Lagi kaming low-cost, Ang babaeng aso ay P1,500, ang babaeng pusa ay P1,000. Ang lalaking aso ay P1,000, ang lalaking pusa ay P700," sabi ni Anna Cabrera, PAWS.--Jamil Santos/FRJ, GMA News
