Patay matapos tadtarin ng saksak ng kaniyang tiyuhin ang apat na taong gulang na batang lalaki sa Maynila. Ang suspek, nabaril naman ng pulis sa loob ng presinto matapos umanong manlaban.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa GMA News "Unang Balita" nitong Martes, sinabing pinagsasaksak ng suspek na si Edmundo Perucho, 51 anyos, ang pamangkin bandang 1:00 p.m. nitong Lunes sa Parola sa Tondo.
Nagtamo umano ng nasa 11 saksak sa dibdib, braso at tiyan ang bata.
Matapos ang pananaksak, makikita pa sa kuha ng CCTV si Perucho na nag-amok sa kalsada bitbit ang kutsilyong ginamit sa pagpatay sa bata. Makikita ring nagtatakbuhan na ang mga tao.
Ayon sa pulisya, nag-inuman daw ang suspek at tatay ng biktima na nauwi sa alitan.
"Nag-away yung tatay ng bata at tsaka yung suspek. Ngayon ang napagbalingan yung bata,” sabi ng hepe ng Investigation Section ng Manila Police District Station 2 na si Police Major Norbert Holman.
Nang dalhin sa istasyon ng pulis, humingi ng pagkakataon si Perucho na gumamit ng palikuran pero nagtangka raw ang suspek na mang-agaw ng baril ng pulis.
Dahil umano sa panlalaban, napatay ang suspek.
Isinugod pa siya sa ospital pero idineklarang dead on arrival.-- Joviland Rita/FRJ, GMA News
