Nasabat ang mga awtoridad ang $12,000 o mahigit P600,000 na halaga ng pera na inilagay sa kahon ng lumang smartphone bilang package sa Ninoy Aquino International Airport.
Sa ulat ng GMA News "QRT" nitong Huwebes, sinabi ni Atty. Marlon Agaceta, hepe ng Legal Division ng Port of NAIA, na galing ng Amerika ang kaduda-dudang package na may declared value lang na $200.
Ngunit nang buksan, natuklasan ang $12,000 na pera.
Sinabi ng Port of NAIA na ngayon lang umano sila nakahuli ng ganito kalaking halaga ng dolyar na itinago sa package.
Inilahad nilang posibleng bihasa ang nasa likod ng shipment dahil nakabalot pa sa aluminum foil ang package kaya nakalusot ito sa x-ray inspection.
Iniimbestigahan na ang tao na dapat na tatanggap nito.
Ayon sa Port of NAIA, pinapayagan naman ang pagpapadala ng dolyar na lagpas sa $10,000 pero dapat itong ideklara sa Bureau of Customs at walang masamang intensyon ang nagpapadala nito.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News
