Matapos sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte na walang masama sa mga pulis na tumanggap ng regalo, sinabi ni Philippine National Police chief Police General Oscar Albayalde na mayroong batas na gabay ang mga pulis na sinusunod tungkol sa naturang usapin.
“We are guided by the Republic Act 6713 or the Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees ang Philippine National Police,” pahayag ni Albayalde sa panayam ng "Dobol B sa News TV" nitong Lunes.
Sa naturang batas, ipinagbabawal sa mga pampublikong opisyal na manghingi at tumanggap ng "directly or indirectly gifts, gratuity, favor, entertainment, loan or anything of monetary value."
Nitong nakaraang linggo, sinabi ni Pangulong Duterte sa mga opisyal ng kapulisan na walang masama kung tumanggap sila ng mga regalo mula sa mga taong galante at nagpapasalamat sa kanila.
“Kung bigyan kayo tanggapin n’yo. It is not bribery... What I mean is if there is generosity in them. Sabi ng anti-graft you cannot accept gifts. Kalokohan,” sabi ni Duterte sa kaniyang talumpati sa mga opisyal at miyembro ng PNP.
Sa RA 6713, pinapayagan ang mga pagtanggap ng regalo tulad ng souvenir o bilang courtesy, scholarship, fellowship grants o medical treatments mula sa ibang bansa, at iba pang exemption na maituturing token of gratitude.
Ayon kay Albayalde, maaaring ang mga ito ang nais sabihin ng pangulo.
“Remember, meron pong exemption 'yan, 'yung sinasabing token of gratitude o insignificant of value,” sabi ng pinuno ng kapulisan.
Pero giit ni Albayalde, kahit maliit na regalo kung mayroon kapalit, maituturing umanong isang uri ng korupsyon.
Pinayuhan naman ni PNP spokesman Police Brigadier General Bernard Banac, ang mga pulis sa pagtanggap ng regalo.
“Kailangan mag-exercise ng due caution and prudence ang ating mga pulis pagdating sa mga regalo sa kadahilanang mahigpit ang batas na ipinapatupad natin dito sa pagtanggap ng mga regalo,” saad niya sa mga mamamayag.
“Usually ang binibigay naman sa mga kapulisan 'yung 'pag may mga events, programs o anniversaries, binibigyan ang mga pulis natin ng mga plaque of appreciation o recognition... may mga token na puwedeng gamit pang-opisina...” sabi niya.
Sen. Bato, tumanggap noon ng regalo
Sa hiwalay na panayam ng "Dobol B sa News TV," inamin naman ni dating PNP Chief at ngayon ay Senador Ronald dela Rosa na tumanggap siya ng mga regalo noong panahon na miyembro siya ng kapulisan.
“Praktikal na tao lang si Presidente at ako ay praktikal din. Inaamin ko tumanggap din ako noon,” sabi ni Dela Rosa.
Kuwento niya, nang panahong iyon, may nasakip silang kidnap victim kaya nagdala ng pagkain ang pamilya ng kanilang nasagip at tinanggap nila.
“Anong gagawin ko? Sabihin ko hindi po hindi namin kakain bawal po ‘yan. Napakaipokrito ko ’pag sinabi kong hindi ko tinanggap,” paliwanag niya.
Mayroon din umanong nagregalo sa kanila ng printer matapos na malutas nilang ang isang robbery incident at maaresto ang mga suspek.
“Hindi ‘yan hinihingi ng pulis, kusang binibigay at tulong sa trabaho ng pulis bakit hindi namin tanggapin,” ayon pa kay Dela Rosa dahil sira na umano ang kanilang printer.
Inamin din niya na may nagregalo sa kaniya noon na mamahaling damit at tinanggap niya.
“Huwag tayong magkunwari, huwag tayong magbalatkayo na hindi tayo tumatanggap. Lacoste na t-shirt tinanggap ko. Nasa kultura natin ‘yan e,” katwiran niya.
Mayroon din umanong nagregalo sa kaniya ng relo na galing sa Amerika.
“Pumunta siya sa Amerika, nakakita siya ng relo na bagay sa personality ko. Marvel, ‘yung may markang bungo binili ng kaibigan ko. Pag-uwi niya dito sabi bagay sa’yo ‘yan,” sabi niya.--FRJ, GMA News
