Patay ang isang barangay chairman matapos siyang pagbabarilin ng mga nakamotorsiklong salarin sa Maynila. Ayon sa datos ng pulisya, ito na ang ikatlong beses na may napatay na kapitan sa lungsod ngayong taon.

Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Alfredo Lansigan, chairman ng Barangay 161, Zone 14, Tondo.

Makikita sa CCTV na sakay si Lansigan ng kaniyang motorsiklo nang sundan siya ng mga salarin na sakay din ng motorsiklo ilang bloke lang ang layo sa bahay ng biktima.

Tila tinawag pa ng dalawa si Lansigan kaya ito napahinto, hanggang sa pinagbabaril na nila ang punong barangay.

Hindi pa rin tumigil ang isa sa mga salarin sa pagbaril sa chairman kahit bagsak na ito sa lupa.

"'Yung unang putok tapos akala namin putok lang ng gulong. Tapos maya-maya may sumunod nang tatlo sunud-sunod," sabi ng saksi.

Matapos nito, kaswal lamang na tumakas ang dalawang suspek na naka-face mask at ball cap.

Isinakay sa tricycle si Lansigan at dinala sa ospital pero binawian din ng buhay.

Nagtamo ang biktima ng limang tama ng bala.

"Wala kaming idea talaga na merong na kaaway, wala. Hindi naman siya nagsasabi na meron siyang kaaway o ano," sabi ng kaibigan ng biktima.

Nakita rin sa kuha ng CCTV na paikot-ikot na sa barangay ang mga suspek 30 minuto bago ang pamamaril.

Patuloy ang imbestigasyon ng Manila Police District tungkol sa motibo ng pamamaril sa chairman.

Pangatlo na si Lansigan sa mga kapitan ng barangay sa Maynila na napapatay sa loob ng halos isang taon, ayon sa record ng MPD.

"Open tayo sa lahat ng anggulo. Sa personal, sa trabaho, sa personal na buhay. Of course pati din 'yung sa ilegal na droga," sabi ni Police Leiutenant Colonel Carlo Manuel, spokesman, Manila Police District.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News