Arestado ang isang 50-anyos na lalaki na modus ang palit-pera sa mga tindahan sa Maynila matapos nitong biktimahin ang fruit shake stall na pag-aari ng isang pulis, ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa Unang Balita ng GMA News nitong Martes.

Sa kuha ng CCTV, naka-helmet na lumapit ang suspek na kinalaunan ay nakilalang si Reynaldo Santos sa isang fruit shake stall sa Sampaloc nitong Linggo, dakong 7:30 ng gabi.

Makalipas ang ilang minuto, umalis ito angkas ang kanyang misis at apo.

Pero natangay na pala niya ang halos P900 cash mula sa tindahan gamit ang palit-pera modus.

Ayon sa tindero na kinilalang si Michael Dumlao, nagbigay ang suspek ng P1,000 kung kaya't sinuklian niya ito.

Pagkatapos ay pinakansela ng suspek ang order at sinabing hindi pala shake ang bibilhin niya kundi mangga mismo.

Ibinalik ng tindero ang P1,000 pera ng suspek at dali-dali itong ibinulsa niya, sabay labas naman ng P100.

Umangal raw ang suspek na P100 ang ibinalik sa kanya at hindi P1,000 na kanyang ibinayad.

Kaya muling nag-abot ng P1,000 ang tindero kapalit ang P100.

Matapos nito ay bumili pa raw ang suspek ng isang mango shake bago umalis sakay ng motorsiklo.

May dalawa raw customer na nakapansin sa palit-pera modus. 

Agad namang nagsumbong ang tindero sa may-ari ng tindahan na isa palang pulis.

"Ang una kong ginawa, nag-review ako ng mga CCTV. Ayun, nakita ko sa isang barangay tapos sinundan ko lahat ng dinaanan niya... Nu'ng nakita ko kung saan 'yung bahay niya, ... nagulat siya pagpasok ko kasi paano raw siya nasundan," kuwento ni Police Captian Pidencio Saballo, ang may-ari ng fruit shake stall at siya ring nag-aresto sa suspek.

Hindi na pumalag ang suspek nang arestuhin.

Nakuha sa suspek ang isang cellphone at higit P1,600 na cash.

Aminado naman ang suspek sa krimen.

Anim na buwan na raw niya itong ginagawa at 18 na tindahan na raw ang kanyang nabiktima.

Tinatarget daw niya ang mga bagong bukas na tindahan.

"Payo ko sa mga nagtitinda: 'Pag may nagbayad ng isang libo(ng piso) sa inyo at isinoli, bago niyo iabot 'yung pera niyong isang libo, sabihin niyo sa kanya na 'Isang libo itong inabot ko sa 'yo ah.' Para wala siyang paraan na gumawa ng pag-switching sa pera," sabi ng suspek. —KG, GMA News