Tadtad ng tama ng bala ang puting pick-up truck ng isang piskal matapos siyang pagbabaril ng tatlong salarin habang nasa loob ng kaniyang sasakyan nitong Martes ng hapon.
Sa ulat ni Katrina Son sa GMA News "Saksi," kinilala ang biktimang piskal na si Elmer Susano, na tinambangan sa 9th Avenue corner B. Serrano sa Caloocan.
Sa kuha ng CCTV sa lugar, makikita si Susano na galing sa isang kainan at sumakay sa kaniyang nakaparadang pickup. Pagkasara niya ng biktima, dumating ang tatlong salarin na sakay ng dalawang motorsiklo.
Dalawa sa mga ito ang lumapit sa biktima at malapitang pinagbabaril ang salamin ng sasakyan. Sa kabila nito, nagawa pa rin ng piskal na mapatakbo ang sasakyan at makalayo sa mga salarin.
Matapos humingi ng tulong sa mga awtoridad, natagpuan ng mga pulis ang sasakyan ni Susano sa Valenzuela na tadtad ng tama ng bala ng baril pero hindi tinamaan ang biktima.
Inaalaman na ng mga awtoridad kung sino ang posibleng nasa likod ng pananambang sa piskal. Pero sinabi umano ng biktima na may natanggap siyang banta sa buhay limang taon na ang nakalilipas. -- FRJ, GMA News
