Tuluyan nang nabulag ang kanang mata ng babaeng sinabuyan ng asido sa kanyang mukha ng dating karelasyon ng kaniyang kasintahan.

Ayon sa ulat ni Mariz Umali sa 24 Oras nitong Huwebes, dumalo si Glory Cris Cuerda sa Pasay Regional Trial Court na may suot na protection glass para sa kanyang mga mata.

"Itong mata ko talagang isa, bumigay na po. Gagawin po ng doctor tatakpan na po para hindi maimpeksyon. Tapos ito pong isa kong mata tinutuloy namin yung gamot pero may posibilidad daw sabi ng doctor na bumigay kasi sobrang nipis na rin po niya kasi tinutunaw po talaga siya ng chemical na ginamit," ani Cuerda.

Iyon ang unang pagdinig sa kasong serious physical injury na isinampa ni Cuerda laban kay Ramon Collada, alyas Mona, matapos ang ginawa nito.

Si Mona ay dating karelasyon ng kasintahan ni Cuerda na si John Rey Garay.

Base sa imbestigasyon ng Pasay City Police, selos ang lumalabas na motibo ni Collada para gawin ang krimen.

Tumanggi naman si Collada na magbigay ng pahayag pakatapos ng pagdinig ngunit dati na siyang humingi ng tawad kay Cuerda sa kanyang ginawa.

"Sana mapatawad mo ako. Hindi ko talaga intensyon 'yun. Nagmahal lang ako ma'am Glo sa maling pagmamahal. Nagsisisi talaga ako . Sobrang pagsisisi, hindi nga ako makatulog," ani Mona.

"Actually naawa ako kay Glo. Dapat inisip ko nakonsensya ako hindi ko ginawa sa kanya. Sa'yo ko dapat binuhos 'yun. Sa'yo dapat binuhos 'yun," idinagdag niya sa kanyang dating karelasyon.

Ang pangyayari ay na-huli cam noong Hulyo.

Hindi man nakita ang mismong pagsaboy na ginawa ni Mona, mapapansin sa video ang paglabas ni Cuerda sa backdoor ng kanilang opisina habang hawak ang kanyang mga mata.

Ipinapaubaya raw ni Cuerda ang kaso sa kanyang abogado, dahil iba ang kanyang pinagtutuunan ng pansin.

"Gusto ko lang makakita saka gumaling para sa mga anak ko na kasama ko po ngayon," ani Cuerda."

Sa October 23 ang sunod na pagdinig sa kaso.

Inaasahan ring ipiprisinta na ang analysis report kaugnay sa isinaboy na kemikal kay Cuerda. —Joahna Lei Casilao/LDF, GMA News