Patuloy na dumarami ang bilang ng mga barangay sa Quezon City na apektado ng African Swine Fever (ASF) virus, ayon sa ulat ni Tina Panganiban Perez sa Balitanghali nitong Miyerkules.
Sa Barangay Tatalon, 62 na sa 82 na baboy sa lugar ang pinatay dahil sa ASF.
“Noong Thursday pa, ini-report na sa amin na may isang baboy na nakita sa loob ng isang sako sa kalsada ng Tatalon. Actually, as early as Friday morning, alam na namin na positive ang Tatalon. As early as Saturday morning, nag-cull na kami sa Tatalon,” pahayag ni QC Mayor Joy Belmonte.
Sa Pasong Tamo, mayroon na rin daw umanong sintomas ng ASF kaya pinatay na ang ilang baboy sa lugar.
“The hog owners themselves decided, with the encouragement of the punong barangay, to have their pigs culled as well,” dagdag ni Belmonte.
Nauna nang idineklara ang Barangay Bagong Silangan na “ground zero” ng ASF sa siyudad, kung saan 788 na sa 900 na baboy sa lugar ang ipinapatay dahil sa ASF.
Ilang mga baboy na rin ang pinatay sa Barangay Payatas dahil sa pinaghihinalaang ASF.
Ayon sa Department of Agriculture (DA), kumakalat din daw ang ASF dahil sa pagbibiyahe ng mga apektadong baboy.
“How is it spreading? Transporting from one affected area to an area that is clean,” sabi ni Agriculture Secretary William Dar.
Alinsunod sa 1-7-10 protocol ng DA, kailangan patayin ang mga baboy at magtayo ng quarantine checkpoints isang kilometro sa palibot (1-kilometer radius) ng mula sa lugar na apektado ng ASF.
Kailangan namang mahigpit na bantayan ang kilos ng mga hayop pitong kilometro paiko mula sa apektadong lugar, habang ang mga may-ari ng animal farm 10 kilometro paikot mula sa lugar na may ASF ay obligadong magsabi sa DA kapag may sakit ang mga hayop.
Pasok ang Barangay Roxas sa one-kilometer radius mula sa Barangay Tatalon kaya kinakailangang patayin ang mga baboy sa lugar.
Ngunit, pahayag ng nag-aalaga ng baboy na si Aling Crisanta, sana naman daw ay huwag nang patayin ang mga ito dahil malulugi sila.
“Yan na lang ang hanapbuhay namin,” sabi niya.
Kinausap na ng DA ang mga lokal na pamahalaan na higpitan pa ang pagbabantay sa animal quarantine checkpoints.
Dagdag pa nila, dapat daw ay i-report sa mga opisyal kapag may namatay na baboy at huwag lamang bastang itapon ang mga ito. —Julia Mari T. Ornedo/LBG, GMA News
