Isinisi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo sa mga nakaraang administrasyon ang mga problema ngayon sa trapiko at transportasyon matapos niyang kontrahin ang pahayag ng isang militanteng grupo na may “mass transportation crisis” na sa bansa.

Sa isang pahayag nitong Miyerkules, sinabi ni Panelo na namana lang ng administrasyong Duterte and mga problema sa transportasyon mula sa nakaraang mga administrasyon.

“The present problems in our mass transit system (LRT and MRT) are the products of many years of neglect by the previous administrations. This Administration, however, considers these problems as solvable, and the LRT and MRT management are already doing something about it,” saad niya.

Patunay daw nito ang patuloy na rehabilitasyon ng MRT3 at ang pagbuo ng MRT-7 at mga extension para sa LRT1, LRT2, at PNR.

Umani ng batikos si Panelo nitong Martes matapos niyang sabihin na hindi totoong may krisis sa transportasiyon dahil may mga nasasakyan pa naman ang mga pasahero.

Una rito, sinabi ni Renato Reyes Jr. ng Bagong Alyansang Makabayan, na may “mass transport crisis” na sa Pilipinas dahil sa sunod-sunod na mga aberya sa LRT1, LRT2, at MRT3 noong nakaraang linggo.-- Julia Mari Ornedo/FRJ, GMA News