Arestado ang tatlong umano'y tulak, kabilang ang dalawang menor de edad, sa Barangay 178 sa Camarin, North Caloocan.

Target ng operasyon ang 34-anyos na si Danilo Aldas na sinisisi sa talamak daw na bentahan ng iligal na droga sa North Caloocan. 

"Dahil nga po sa iligal na gawain niya, yung talamak na pagbebenta ng shabu, may mga concerned citizen na po na talagang sila ay dumudulog na po sila sa kapulisan at sinusumbong na po ang aktibidad nitong nahuli po natin," sabi ni Police Corporal Rafael Tuballas, imbestigador. 

Agad na nagkasa ng buy-bust operation ang mga awtoridad nitong Martes ng gabi pero hindi lang si Aldas ang nalambat ng mga pulis kundi pati ang dalawang lalaking edad 13 at 14 na kasabwat daw niya. 

"During the conduct noong operation, nandiyan yung dalawang minor. Allegedly, ito yung nagsisilbing kabayo o yung runner nitong si Danilo. So yung participation nga noong dalawa, since minor itong dalawa, parang nadi-discreet o ginagamit niya bilang courier 'tong dalawang minor" ani Tuballas. 

Nakuha mula sa kanila ang nasa 30 gramo ng hinihinalang shabu na nasa mahigit P200,000 daw ang halaga 

Aminado si Aldas na nagtutulak at gumagamit siya. Ang dalawang menor de edad na magpinsan ang tagadala raw ng mga kontrabando sa kanya. Binebentahan daw niya ng droga ang mga kakilala niya lang din sa kanilang lugar 

Dahil wala ang kanilang mga magulang ay hindi na nakunan ng pahayag ang dalawang menor de edad. Nasa kustodiya na sila ng City Social Welfare and Development Office. 

Si Aldas naman ay mahaharap sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. 

Patuloy naman ang follow-up operations ng mga awtoridad para masukol ang sinasabing pinagkukunan ng droga ni Aldas. —KBK, GMA News