Dahil sa oversupply, bagsak-presyo ang ilang klase ng mga gulay galing sa Baguio. Umabot na nga raw sa P2 piso kada kilo ang benta sa sayote ng ilang magsasaka roon.
Sa panayam ng GMA News sa isa sa mga magsasaka roon, halos ipamigay na raw nila ang kanilang mga inaaning gulay. Aniya, P2 na lang kada kilo ang benta nila sa sayote mula sa dating P20-P25 kada kilo.
Mula naman P80-P100 na kada kilo ng lettuce, pinepresyuhan daw sila ngayon ng buyers ng P15 kada kilo.
Sa sobrang baba raw ng presyo, hindi na sila makapag-biyahe ng mga gulay. Wala na raw silang budget para sa trucking. Kung sakali kasi, mapupunta lang sa pambayad ng gasolina ang makukuha nilang kita sa buyers.
Dahil dito, tone-toneladang mga gulay na hindi nabibili at ipinamimigay na lang sa mga kapitbahay o kaya ginagawang pataba sa lupa.
Sa bagsakan ng gulay sa Balintawak Market sa Quezon City, daan-daang kilo ng mga sayote, carrots, at repolyo ang naroon. Malaki raw ang ibinaba ng mga wholesale price nito kumpara dati.
Wholesale/bagsakan prices sa balintawak market:
Sayote
Ngayon: P9 kada kilo
Dati: P48 kada kilo
Carrots
Ngayon: P50 kada kilo
Dati: P80-P90 kada kilo
Repolyo
Ngayon: P200 kada kilo
Dati: P300 kada kilo
Patatas
Ngayon: P52 kada kilo
Dati: P80 kada kilo
"Kkasi marami na kasi sa Baguio ngayon. Tapos baka sabay-sabay yung nag-ani...
Dati kasi sobrang taas na yan. Ngayon sobrang baba na. Tsaka bargain na lang din mga paninda ngayon," ani Ervin Guinguino, tindero ng wholesale sa Balintawak.
Talaga raw pinauubos na lang nila ang mga paninda para hindi masira.
Sa mga mismong mga pamilihan naman kagaya sa Kamuning Market sa Quezon City pa rin, kahit may patong na ay mababa pa rin ang presyo ng mga gulay na ito.
Kamuning Market (presyo kada kilo)
Sayote
P25 ngayon
P40 dati
Repolyo
P70 ngayon
P100 dati
Patatas
P100 ngayon
P120 dati
Carrots
P70 ngayon
P80 dati
Lettuce
P100 ngayon
P150 dati
Ayon naman sa ilang nagtitinda sa mga palengke, kahit bagsak-presyo ang ilang klase ng mga gulay ay wala namang ipinagbago sa kanilang benta at kinikita. —KBK, GMA News

