Patay ang isang rider matapos siyang masagi ng isang pampasaherong bus sa Commonwealth Avenue sa Quezon City nitong Lunes ng umaga, ayon sa ulat ni Allan Gatus sa Balitanghali.
Ayon sa mga tauhan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na rumesponde sa lugar, nasagi ng Fairview Bus ang motor rider kaya nawalan ito ng balanse at umilalim ang ulo nito sa bus.
Hindi umano sana masasagasaan ang ulo ng motor rider kung hindi umatras ang bus. Ito raw ang dahilan kaya inabot ang ulo ng motor rider at nagulungan.
Sa tindi ng pinsala, nawasak ang suot na helmet ng motor rider na kaagad nitong ikinasawi.
Para matanggal naman ang biktima mula sa pagkakaipit ng ulo nito, nagtulong-tulong pa ang mga pulis, MMDA at ilang indibidwal na itulak ang bus dahil hindi umano gumagana ang "clutch" nito.
Hindi naman mahagilap ang driver at konduktor ng bus na tumakas umano matapos ang aksidente.
Kinokontak na ng mga pulis ang kompaniya ng bus upang matukoy ang pagkakakilanlan ng tumakas na driver.
Nagdulot naman ng mabigat na daloy sa trapiko ang aksidente kanina. —KBK, GMA News
