Hindi na lang sa kagat ng lamok naipapasa ang dengue virus dahil maaari na rin itong makuha sa pamamagitan ng pakikipagtalik.
Sa ulat ni Maki Pulido sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, napag-alaman na isang lalaki sa Espanya ang nahawa ng dengue matapos makipagtalik sa partner niyang lalaki na may dengue.
Sinasabing nanatili sa dugo at sa ihi ng tao ang dengue virus sa loob ng 23 araw. Pero may impeksyon din daw maging ang semilya ng lalaki na tumatagal ng 37 araw.
Ang nangyari sa lalaki sa Espanya na nagkaroon ng dengue dahil sa pakikipag-sex ay itinuturing pambihirang pagkakataon.
Ang lalaking may dengue ay nanggaling sa Cuba kung saan daw ito nagkasakit.
"Walang history ng exposure yung Spanish citizen; ang meron lang dengue is the guy who came from Cuba. Then nagkaroon siya ng symptoms ng dengue the Spanish guy. So they tested him positive for dengue," sabi ni Health Secretary Francisco Duque sa panayam sa telepono.
Ayon sa World Health Organization, umaabot sa 390 milyong katao ang nagkaka-dengue sa buong mundo taun-taon.
Sabi ng Centers for Disease Control ng Amerika, bukod sa kagat ng lamok ay
maaari rin itong maipasa ng isang buntis na ina sa kaniyang anak, at
puwede rin sa pamamagitan ng blood transfusion, organ transplant, at kapag natusok ng kontaminadong heringilya.
Ang nangyari umano sa Espanya ang kauna-unahang kumpirmadong kaso ng dengue na naipasa sa pamamagitan ng pakikipagtalik.
Paliwanag ni Duque, posibleng naipasa ang dengue virus dahil sa unprotected sex.
"Nagkasugat siguro sa penis or sa anus anal opening orifice dun na introduce yung semen," paliwanag niya.
Matagal nang ikinakampanya ng DOH ang protected sex dahil na rin sa tumataas ng kaso ng HIV at maging ng unwanted pregnancies.
Sa kampanya ng kontra-dengue, ang pagpapanatiling malinis ng kapaligiran ang pangunahing isinusulong upang hindi pamugaran ng mga lamok na may dengue virus ang lugar.--FRJ, GMA News
