Huli sa CCTV ang pagtangay sa isang apat na buwang gulang na sanggol ng kanyang yaya sa Taguig City, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Huwebes.

Kuwento ng mga magulang ni Taylor Hayley Victoriano, huli nilang nakita ang yaya na si Kristine Joy Salik, 34, at si BabyTaylor nitong Miyerkoles ng umaga sa kanilang bahay sa Barangay Bambang.

Nagising daw ang mag-asawa makalipas ang mahigit tatlong oras. Nang hanapin sa labas, wala na ang yaya pati si Baby Taylor.

Wala rin daw kapitbahay na nakapansin sa kanila.Isasama raw sana ng magasawa si Baby Taylor sa pagtulog pero nagpumilit daw ang yaya na siya na muna ang mag-aalaga para raw mas maayos na makapagpahinga ang magasawa.

Agad nagpunta ang mga magulang sa barangay.

Sa isang anggulo ng CCTV, makikitang huminto at tumagilid pa ang yaya nang mapansing may makakasalubong siya sa kalsada. Pagkalagpas ng dalawang dumaan, ipinagpatuloy niya ang paglalakad

Nakilala lang daw nila si Salik sa Facebook groups na nag-rerefer ng mga kasambahay.

Matapos magreport pulisya, agad nagsagawa ng follow-up operation ang mga awtoridad.

Malaki raw ang posibilidad na peke ang pangalan at mga dokumento ng yaya.

Hindi pa rin malinaw sa ngayon kung ano ang motibo sa pagtangay sa sanggol.

Para sa mga may impormasyon, maaaring i-contact si Princess Jean Perrin, na nanay ni Baby Taylor, sa 09171790393. —KBK, GMA News