Nakuhanan ng CCTV ang apat na kabataang kabilang sa mga nawawala sa Pasay City, ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa Unang Balita nitong Huwebes.

Wala raw maisip ang mga magulang na dahilan sa pagkawala ng mga anak.

Si Julieta Baron dela Torre, ina ng isa sa mga nawawalang bata, nanawagan na kay Pangulong Rodrigo Duterte para tulungan silang mahanap ang kanilang mga anak.

"Mr. President, marami ng mga batang nawawala dito sa Pasay. Kung maaari lang tulungan mo kaming mga mahirap. Mahirap lang kami, Mr. President. Gusto lang namin makita ang mga anak namin," ani Julieta.

Halos sabay-sabay nawala noong nakaraang linggo sina Roujen Serban alyas Pacquiao, 21; Norealle Butiong alyas Ikoy, 21; Giljoshua Ramirez alyas Joshua, 19; at isang alyas BG. Magkakakilala raw ang apat, habang tatlo sa kanila ang magbabarkada.

Nakunan ng CCTV ng barangay si Ikoy noong Biyernes ng madaling araw habang naglalakad mag-isa palabas ng kalsada. Makalipas ang isa't kalahating oras, nakunan naman si Pacquiao kasama ang dalawa nitong kaibigan.

Blangko ngayon ang mga magulang sa dahilan ng pagkawala ng kanilang mga anak. Wala raw silang alam na kaaway ng mga ito. Pero si Julieta na nanay ni Ikoy, nangangambang hawak ng isang sindikato ang kanilang mga anak.

Ang mga magulang naman ni Pacquiao, may natanggap na mga mensahe nitong mga nakaraang araw na nagsasabing alam nila kung nasaan ang binata. Meron ding humihingi ng P10,000 kapalit ng kalayaan nito.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa kaso. —KBK, GMA News