Patay ang dalawang ginang matapos silang araruhin ng isang AUV sa kalagitnaan ng isang Christmas party sa Quezon City. Ang driver, umaming nakainom at napag-alaman ng mga awtoridad na walang lisensya.

Nangyari ang insidente nitong Lunes pasado 6 p.m., kung saan makikita sa CCTV ang pagkanan ng AUV na minamaneho ng suspek na si Edmund Sumundong sa Tinagan Street, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News "Unang Balita" nitong Martes.

Ilang saglit pa, nasa ilalim na ng AUV ang dalawang babae, at nag-iiyakan na ang ilang tao na nagki-Christmas party noong mga oras na iyon.

Walong katao ang agad na isinugod sa ospital.

Kinilala ang mga nasawi na sina Zenaida Zamora, 65-anyos na dead on arrival, at Elena Baga, 32-anyos.

Kwento ng anak ni Zamora na si Roushell Isip, katatapos lang ng bigayan ng mga regalo at magsasalo-salo na sana sila.

Tumalikod lang si Isip para kumuha ng pagkain nang mangyari ang trahedya.

"May narinig na po akong ugong na malakas. Galit na galit po 'yung sasakyan eh. Akala ko 'di pupunta sa 'min kaya hindi ko pinansin. Pag-upo ko po, wala na. Nasa lapag na ako, 'di na ako makatayo... 'Yung ate ko, bali 'yung ganito. Tapos 'yung bayaw ko, kritikal nasa ospital," sabi ni Isip.

Naisugod din si Baga sa ospital pero agad ding binawian ng buhay.

Muntik pang madamay ang limang taong gulang niyang anak.

"Paglabas ko po, nagkakagulo na po sila. Pinuntahan ko po siya. Sigaw ako, 'Elena! Elena! Saan ka?' Pati si Nino 'yung anak kong maliit 'di ko alam saan pumunta. Nakita ko sa kanto, nakita niya 'yung anak niya. Lumayo 'yung bata, si Elena nasa [ilalim] mismo ng sasakyan," kuwento ni Rogelio Abalos Jr., asawa ni Baga.

Naulila ni Baga ang apat na maliliit niyang anak.

Problema pa ni Abalos na hindi niya mailabas ang kaniyang asawa sa ospital dahil hindi sila kasal at kailangang kamag-anak ang kukuha sa kaniya.

"Kung saka sakali lang po sana, kahit papaano, gusto ko lang ilabas lang siya. Para maalagaan ko rin," sabi ni Abalos.

Tumangging magbigay ng pahayag ang driver na si Sumundong, na umaming nakainom siya.

Napag-alaman sa paunang imbestigasyon ng pulisya na walang lisensya ang suspek.

Tinuturuan aniya siyang magmaneho ng kaniyang kasama noong mangyari ang insidente.

Mahaharap si Sumundong sa kasong reckless imprudence resulting in homicide with multiple physical injuries and damage to property. — Jamil Santos/RSJ, GMA News