Sinagip ng mga awtoridad ang mahigit 150 na mga katutubong Badjao matapos mapabalitaang nagkalat at nanunuluyan sila sa kalsada para mamasko sa Quezon City.

Nagtakbuhan ang ilang katutubo nang dumating ang Quezon City Task Force Disiplina sa Agham Road, pasado 11 p.m. nitong Lunes, ayon sa ulat ni James Agustin sa GMA News TV "Balitanghali."

Namataan din ang ilan na natutulog sa center island na may kasama pang mga bata.

"Sana naman po pagbigyan niyo po kami dahil tuwing December lang po kami andito," sabi ng isang katutubong Badjao.

"Uuwi na kami pagkatapos ng Pasko. Mamamasko lang kami tapos uuwi kami," sabi ng isang batang Badjao.

Maraming Badjao rin ang naabutan sa gilid ng kalsada na nagtayo ng mga tent at nagkaniya-kaniya ng latag para may mahigaan.

Hindi naging madali ang pagsagip sa kanila dahil marami ang ayaw sumama.

Sinabing dumating ang mga katutubo mula sa Lucena City, Quezon nitong Disyembre 18.

Ayon sa kanila, napilitan lang silang mamasko sa Metro Manila para magkapera.

"Mamamasko lang po kami kasi medyo madaanan kami ng bagyong Tisoy pero hindi naman po kami magtatagal dito," sabi ni Alas Jalmaani, Presidente ng katutubong Sama Badjao.

Sinagip ng Quezon City Hall ang mga katutubo nang makatanggap sila ng mga reklamo na nagkalat ang mga ito sa kalsada.

Sinabi ng mga awtoridad na napakamapanganib na sa gilid sila ng kalsada natutulog.

"Nasa danger na rin sila dahil kita naman natin ang sitwasyon ito ho ay national road tapos may mga bitbit silang mga bata at higit sa lahat, pati ho kalinisan at kalusugan nila naapektuhan na ho sa ilang araw nilang pag-stay dito," sabi ni Rannie Ludovica, QC Task Force Disiplina Action Officer.

Ipoproseso ang mga katutubo ng mga social workers para matukoy kung anong tulong ang maaaring maibigay ng lokal na pamahalaan. —Jamil Santos/NB, GMA News