Sumiklab ang sunog sa Sta. Mesa, Maynila pagkatapos lamang umanong mag-Noche Buena ang ilang mga residente noong Martes ng gabi, bisperas ang Pasko.
Iniulat ni Vonne Aquino sa Unang Balita na ang mga nasunugan ay ilang residente ng Bacood Street at sumiklab ang apoy pagkatapos lamang umano ang Noche Buena.
Pahayag ng Manila Fire District (MFD), nagsimula ang sunog sa isang unit sa ground floor ng isang bahay.
“Malaki na talaga yung sunog pagdating ng responding unit natin,” pahayag ni Fire Chief Inspector Rae Sumedca ng MFD.
Kuwento ng isa sa mga tenant, patulog na sila nang makarinig ng sigawan.
“Akala namin away lang kasi patulog na kami, kakatapos lang actually ng noche buena. Paglabas namin sunog na nga eh may mga bata sa loob ng bahay so lumabas na rin kami,” ayon kay Joy Galzote, isa sa mga masunugan.
Aniya, wala umano silang naisalbang gamit pero ipinagpapasalamat daw nilang ligtas silang lahat.
Nadamay din sa sunog ang isang commercial unit na may mga grocery items.
Sa pagtaya ng manila fire district P300,000 ang halaga ng pinsala sa sunog.
Wala umanong nasaktan o nasawi sa insidente.
Ayon sa mga fire official, naapula ang sunog pasado alas-dos na ng madaling araw. Iniimbestigahan na umano ang pinagmulan ng apoy. —LBG, GMA News
