Nababahala na si Pangulong Rodrigo Duterte sa dumadaming nasasawi sa aksidente sa kalye. Pangunahing binanggit ng Punong Ehekutibo ang mga truck na kadalasang sinasabing nawawalan ng preno.
Sa ulat ni Joseph Morong sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing masaker na kung ituring ng pangulo ang dami ng bilang ng mga namamatay sa aksidente sa lansangan.
"Pero itong overspeeding, that has to be controlled kasi marami nang patay. Ang numbers ng patay, no longer hindi na nakakatuwa. Hindi na maganda basahin, parang massacre na. Almost everyday," saad ng pangulo sa kaniyang talumpati sa Cotabato.
Partikular na tinukoy ni Duterte ang mga humaharurot na truck na kamakailan ay nasangkot sa magkakasunod na aksidente.
Nais ng pangulo makialam na ang pulisya sa problema.
"Alam mo ang disgrasya ngayon, 'pag ano ang patay...10, 20. I have to think about that. That has to stop. It is a very. It's almost an adventure ngayon kung magsakay ka ng truck kasi i-bubunggo talaga 'yan," pahayag ng pangulo.
"At saka ang patay mag-abot na ng 20, 22. It’s no longer acceptable to me and maybe to others also. So itong control, ito ang pulis mag-control. Pero 'yan ha, iwasan niyo 'yang ganun," patuloy niya.
Batay umano sa datos ng PNP-Highway Patrol Group, mula Enero hanggang Oktubre ngayong taon, pangatlo ang speeding sa mga dahilan ng mga aksidente sa daan.
Sa parehong panahon, umabot naman sa mahigit 2,000 truck ang nasangkot sa mga aksidente sa daan.
Sa datos naman ng Metro Manila Development Authority noong 2018, may 116,906 na aksidente sa daan ang naitala nila, o 320 na aksidente bawat araw. Sa naturang mga aksidente, 394 ang namatay.
Pinakamaraming namatay umano sa aksidenteng sangkot ang mga motorsiklo, na sinundan ng truck, kotse, van at mga jeep.
Ang EDSA, C-5 at Commonwealth Avenue, naman ang pangunahing lansangan na may pinakamaraming nangyaring aksidente.
Sa bilang ng mga nasawi sa sakuna noong 2018, pinakamarami sa C-5 na mayroong 27 namatay, 21 sa EDSA at 17 naman sa Roxas Boulevard. --FRJ, GMA News
