Sinabi ni Senator Panfilo Lacson nitong Miyerkoles na inisyal na pumayag ang mga miyembro ng Senate majority bloc na iluklok si Senator Francis “Chiz” Escudero bilang presiding officer ng Senate impeachment court na lilitis sa kaso ni Vice President Sara Duterte.
“As per our consensus as of this morning, we will elect Senator Chiz Escudero if we convene again as [an] impeachment court, to be the presiding officer,” sabi ni Lacson sa isang ambush interview.
“Lawyer eh at saka may experience na rin siya sa impeachment.”
Dati nang namuno si Escudero sa impeachment court noong 2025 noong siya pa ang Senate President.
Gayunpaman, ipinunto ni Lacson na maaari pang magbago ang plano.
Sinabi rin niya na iminungkahi ito ng bagong halal na Senate President na si Sherwin Gatchalian.
Humingi na ng komento ang GMA News Online mula sa opisina ni Escudero at ia-update ang balitang ito kapag tumugon na ito.
Samantala, itinanggi ni Lacson na kapalit ng paglipat ni Escudero sa majority bloc ang posibleng pagkahalal niya bilang presiding officer ng impeachment court.
“No, kami kami ‘yun nag-usap para lang maging smooth,” sabi niya.
“Kasi alam niyo,’pag ikaw nagpe-preside, kailangan talaga meron kang basic knowledge sa law, ‘yung Rules of Court, Evidence. Kasi once na merong mag-motion either from the prosecution or defense, merong pagkakataon na kailangan mag-rule ka immediately ‘di ba,” paliwanag niya.
Sinabi ni Lacson na maaaring mahalal si Escudero sa posisyon sa oras na magpulong ang impeachment court ng Senado sa Hulyo 6, 2026.
Bago magsimula ang impeachment trial sa susunod na buwan, isang pre-trial conference ang magaganap sa Hunyo 18 na inaasahang sarado sa publiko.
Inaakusahan ng Articles of Impeachment, na inaprubahan ng Kamara para sa aksyon ng Senado, ang Bise Presidente ng sadyang paglabag sa konstitusyon, graft and corruption, pagtataksil sa tiwala ng bayan, panunuhol at iba pang mabibigat na krimen. —VBL GMA News

