Patay ang isang ginang na tumatawid sa pedestrian lane matapos siyang mabangga at magulungan pa ng truck sa Quezon City.
Sa ulat ni Jamie Santos sa 24 Oras nitong Miyerkoles, mapanonood sa CCTV ng Barangay Commonwealth ang mga tumatawid at mga sasakyan sa isang kalsada noong Hunyo 15.
Ngunit habang pumapasok ang isang dump truck sa pedestrian lane, isa ring ginang ang sumulpot.
Kahit na mabagal ang takbo ng truck, nabangga nito ang ginang at tuluyang nagulungan.
Agad namang bumaba ang driver, na tila nagulat matapos makita ang nasagasaang biktima. Sumilip din ang pahinante para alamin ang nangyari.
Batay sa salaysay ng driver sa mga awtoridad, inakala umano niyang nalubak lamang ang kaniyang sasakyan kaya nagpatuloy siya sa pagmamaneho.
Isinalaysay niya sa GMA News na pinatigil siya ng traffic enforcer kaya tumigil naman siya.
Nang magbigay umano ng go signal na puwede na siyang umandar, muling siyang nagdahan-dahan pero hindi niya napansin ang ginang na mula sa kanan dahil blind spot.
“Nagtaka na lang po ako na may kumalabog sa likurang bahagi ng kwan, hindi ko naramdaman talaga. Noong tumingin po ako sa side mirror, nakita ko na po at bigla po akong tumalon. Bumaba sa truck at pinuntahan ko,” kuwento ng driver.
“Mensahe ko lang po sa kamag-anak, humihingi na lang po ako ng kapatawaran sa inyo sa nangyari dahil may magulang din po ako. Kahit sa akin naman po mangyari masakit po. Ngayon buong puso po ako humihingi ng tawad sa inyo at nakikiramay po ako sa inyo,” sabi ng driver.
"Pedestrian po kasi iyon. So, concern po ng motorista na maging aware sa mga tumatawid. Ang nangyari tuloy, hindi niya napansin talaga na may tumatawid doon kaya po na-run over po iyong biktima," sabi ni Police Captain Paul Norman Larugal, Deputy Chief ng Traffic Sector 5 ng QCPD.
Idineklara ng mga tumugong medical personnel na wala nang buhay ang biktima.
Ini-inquest ang driver na nasa kustodiya ng Traffic Sector 5 ng Quezon City Police District at nahaharap sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide. —Jamil Santos/VBL GMA News
