Patay ang isang lalaki natagpuang nakatali ang kamay at may mga tama ng bala sa ulo sa Quezon City, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Lunes.
Natagpuan ang bangkay sa Araneta Avenue sa Brgy. Doña Imelda bandang 1 a.m. matapos makatanggap ng tawag ang Galas Police Station mula sa isang concerned citizen tungkol sa isang duguang lalaki sa lugar.
Nang rumesponde ang mga pulis, tumambad ang bangkay. Walang makapagsabi kung sino ang nasa likod ng pamamaril.
Sa imbestigasyon ng pulisya, posibleng doon daw binaril ang biktima dahil may dalawang basyo ng bala na nakuha.
May nakuha ring ID mula sa biktima na nakilalang si Rommel Fajutag na residente ng Happy Land Vitas sa Tondo, Maynila.
Matatandaang noong Disyembre 23, may matagpuan ding bangkay ng lalaki na may tama ng bala sa ulo at nakatali ang mga kamay at paa — apat na metro ang layo mula sa pinangyarihan ng insidente.
Isang motorcycle rider naman ang nag-report noon sa barangay na inakalang taong grasa ang biktima.
Nakilala ang biktima na si Morsid Limpan, residente ng Quiapo. May nakuha ring mga basyo ng bala sa lugar. —KBK, GMA News
