Pinagsasaksak hanggang sa mamatay ang mag-asawang senior citizen sa loob ng kanilang bahay sa barangay Commonwealth sa Quezon City.

Iniulat sa Unang Balita nitong Huwebes na tadtad ng saksak ang mag-asawa, at napag-alamang tinangay din umano ng salarin ang isang P100,000 ng mga biktima.

Pahayag ng mga magkapatid na si Princess at Onna, tumambad na la manng sa kanila ang duguang katawan ng mga magulang nilang sina Leonardo, 69; at Erlinda Ollano, 63.

Inakala pa umano ng magkapatid na umalis lamang ang kanilang nanay at tatay,

kaya tahimik at nakapatay ang mga ilaw sa bahay.

"Mga alas nuwebe na ang tagal na nagtataka na ko bakit hindi naka-padlock yung gate kasi kung aalis sila pina-padlock nila lahat. Tapos umakyat 'yung asawa ko sa taas, at pagbukas ng ilaw nakasabog lahat ng gamit namin, sumigaw na siya pagbaba niya nakita niya sila mama saka si papa," pahayag ng isang anak ng mga biktima.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis, nagtamo ng 17 saksak si Erlinda habang 14 naman ang kay Leonardo.

May mga sugat din daw sa kamay ang mag-asawa, tanda umanong nanlaban sila sa suspek.

"Wala po talaga kaming alam na kalaban o kaaway 'yan dito. Hindi naman kasi madalas 'yan mangapitbahay. Dito lang 'yan minsan 'yung lalaki tuwing umaga nagwawalis," ayon sa kanilang kapitbahay.

Pagnanakaw ang isa sa mga tinitingnang motibo sa krimen dahil nawawala ang P100,000 at iba pang gamit sa bahay.

Wala namang nakitang senyales na pwersahang pinasok ang bahay.

Naiwan sa lugar ang isang pares ng tsinelas na hindi raw pag-aari ng mga nakatira doon.

Iniimbestigahan na kung naiwan ito ng nasa likod ng karumal-dumal na krimen. —LBG, GMA News