Isang 33-anyos na babae ang nasawi matapos umanong magpaturok ng glutathione sa isang spa sa Sampaloc, Maynila. Bagaman pinaniniwalaan na nakapagpapaputi ang glutathione, hindi naman inirerekomenda ng mga eksperto na basta-basta ito ituturok sa tao.

Sa ulat ni Lei Alviz sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, kinilala ng pulisya ang biktima na si Shyril Gee Distor, isang restaurant manager.

Lunes umano ng hapon nang turukan ng glutathione si Distor pero pagtapos nito ay isinugod na siya sa ospital.

"Nagpasaksak siya ng glutathione with vitamin c sa Glutaholics Spa sa Sampaloc. After siya ma-administer ng gamot, minutes later nag collapse yung babae and dinala siya sa UST hospital. Later that day around 11:00 pm, namatay yung ating biktima," Ayon kay Police Captain Henry Navarro, chief, homicide section, Manila police district.

WATCH: Gluta drip o turok na pampaputi, safe nga ba?

Ayon sa kamag-anak ng biktima, cardiac arrest ang ikinamatay ni Distor.

Bukod sa pag-autopsy sa mga labi ng biktima, susuriin kung may toxins sa katawan ng biktima na maaaring naging sanhi ng pagkamatay niya.

Isinumite rin ng pulisya sa Food and Drug Administration ang basyo ng mga gamot na itinurok ng spa kay Distor.

Ayon kay Navarro, inaalam nila sa FDA kung pinapayagan ba na gamitin sa merkado ang gamot na ginamit sa biktima. Bukod dito, aalamin naman sa Professional Regulation Commission kung lisensiyadong nurse ang nagturok ng gamot sa biktima.

BASAHIN: Babae, nilagnat, nagpantal at nangati ang balat matapos na magpaturok umano ng 'gluta'

Nagpunta ang GMA News sa nasabing spa pero mga staff lang ang inabutan doon at hindi raw sila maaaring magbigay ng pahayag.

Tumanggi rin muna ang mga kaanak ng biktima na magbigay ng pahayag.

Ayon a FDA, sa ospital o lisensyadong medical facility lang maaaring isagawa ang pagtuturok ng glutathione.

"Unang-una, bawal gamitin ang IV sa hindi hospital setting at unlicensed and mga 'yan. So kung may nangyaring ganiyan, then they are liable at puwede silang kasuhan," paliwanag ni Department of Health Undersecreatry Eric Domingo, officer-in-charge, FDA.

Ayon sa ulat, may mga nagpapaturok ng glutathione para magpaputi ng balat. Ngunit batay umano sa FDA advisory, wala pang inaaprubahan na injectable na glutathione products para sa skin lightening.

Ang injectable glutathione ay aprubado lamang daw bilang karagdagang treatment sa chemotherapy bilang paggamot sa cancer.

Ang side effect daw nito na pagputi ng balat ay maaring may toxic effects sa liver, kidney at nervous system. --FRJ, GMA News