Dahil lang umano sa masamang tinginan, nagrambulan ang ilang estudyante ng Cavite National High School sa loob mismo ng kanilang silid-aralan.

Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, makikita sa video ang pagsasabunutan at suntukan ng mga dalagitang estudyante.

Ang mga hindi sumali sa rambol, nagmistula namang mga miron na naghihiyawan.

Nag-viral online ang naturang video at umani ng mga batikos.

Ayon sa principal ng paaralan, nagsimula raw ang away sa masamang tinginan ng dalawang dalagitang estudyante.

"Ang dalawang batang babae ay nagkatitigan lamang nang masama at biglaang nagsabunutan na," pahayag ng principal na si Augusto Ferma Jr.

Nakausap na raw ng paaralan ang mga estudyanteng sangkot sa rambulan kasama ang kanilang mga magulang at nagka-areglo na ang mga ito.

Magsasagawa na rin daw ng intervention program ang paaralan
para maiwasan nang maulit ang naturang insidente.

Sa gitna ng mga insidente ng kaguluhan na kinasasangkutan ng mga mag-aaral, pumasa na sa Kamara de Representantes at Senado ang panukala para ibalik ang GMRC o good manners and right conduct na subject sa mga paaralan.

Dati nang itinuturo ang naturang asignatura pero isinama na lang ito sa ibang mga subject nang ipatupad na ang K-12 curriculum.

Sa ilalim ng Comprehensive Values Education bill ng Senado, magiging mandatory ang pagtuturo ng GMRC subject ng isang oras sa elementarya at high school.

Samantalang sa Good Manners and Right Conduct bill ng Kamara, ituturo ang GMRC mula kinder hanggang Grade 3.

"Ang DepEd [Department of Education] po mag-iimplement kung 'yun ang sinasabi nila na lalong bigyang-diin ang good manners and right conduct. We will intensify what we already have pero meron po," paliwanag ni DepEd Undersecretary Diosdado San Antonio, Curriculum and Instruction.

May mga tugon din daw ang DepEd sa mga insidente ng bullying
pero paalala nila, ang disiplina ay nagsisimula sa mismong pamilya ng mga estudyante.

"While DepEd will continue to teach what needs to be emphasized pagdating sa tamang pag-uugali, kailangan din alalahanin natin na ang mga pamilya ay may papel din," pahayag niya.--FRJ, GMA News