Pasado alas kuwatro ng madaling araw ng Linggo nang simulan ng Bureau of Fire Protection-National Capital Region (BFP-NCR) ang Fire Prevention Month kick-off ceremony sa Pasay City.
Ang tema ng Fire Prevention Month sa taong ito ay “Matuto ka, sunog iwasan na”.
Kasama sa ceremony ang mga fire volunteers at iba pang mga kasapi ng pribadong sektor na sumusuporta sa kampanya ng BFP.
Ayon kay BFP-NCR Regional Director Fire Chief Superintendent Wilberto Rico Neil Kwan Tiu, nais nilang matuto ang komunidad ng fire safety at disiplina upang maiwasan ang sunog.
At dahil inirekomenda ng Department of Health ang pagpapaliban sa mga mass assembly, parada ng mga fire engine sa kahabaan ng EDSA mula Pasay City hanggang Quezon City ang kanilang ginawa para maiparating sa publiko na sapat ang kakayanan ng BFP-NCR para tugunan ang pangangailangan ng komunidad lalo na sa sunog.
Pero kahit pa aniya gaano karami o kaganda ang mga kagamitan ng BFP, mas mahalaga pa rin na marunong ang mga residente at komunidad pagdating sa fire safety.
Sa mga nakalipas na taon daw kasi, puro human negligence ang dahilan ng sunog.
242 fire trucks of BFP-NCR and fire volunteers paraded from Pasay and Q.C as part of the fire prevention month kick-off ceremony. #BFPNCR #FirePreventionMonth pic.twitter.com/IMORafxuFL
— Vonne Aquino (@vonneaquino) March 1, 2020
Binigyang diin din ni Kwan Tiu na hindi lang dapat sa buwan ng Marso pinag-uukulan ng pansin ang fire prevention kundi araw-araw.
Ipinagmalaki naman ni Kwan Tiu na kumpara noong nakaraang taon sa kaparehong buwan, mas mababa ang naitalang sunog sa NCR nitong taon.
Gayunman, hindi pa rin daw dapat magpakampante.
Sa tala ng BFP-NCR, 65 ang naitalang structural fires noong Enero ng taong ito. Mas mababa ito kumpara sa 180 structural fire noong January 2019.
Samantala, 55 structural fires naman ang naitala noong Pebrero 2020 na mas mababa kumpara sa 156 structural fires noong Pebrero 2019.
Nais din ng BFP-NCR na mabasag ang Guinness World Record sa largest parade of fire engines na hawak ng Atoka Fire Department sa Atoka, Oklahoma, USA, na nakapagparada ng 220 fire engines.
Mas mataas naman ang naiparada ng BFP-NCR na 242 fire engines nitong Linggo. —KG, GMA News
