Sa harap ng banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), sinabi ni Speaker Alan Peter Cayetano na nakahanda ang Kamara de Representantes na magsagawa ng special session sakaling ipatawag ni Pangulong Rodrigo Duterte para bumuo ng mga batas na panlaban sa virus.
Sa pulong balitaan nitong Lunes, ipinaliwanag ni Cayetano na kailangan lang nilang baguhin ang ilang patakaran sa Kamara para payagan na limitahan lang ang mga tao sa plenaryo at payagan ang mga kongresista na bumoto sa pamamagitan ng electronic o social media.
"Kung kailangan ng special session, kung magpapatawag ang Pangulo, we're talking to the Majority Leader [Martin Romualdez] kung puwedeng i-amend ang rules na ang Speaker na lang at Majority Leader, Minority Leader ang nasa Congress," ayon kay Cayetano.
"Then ang botohan ay electronic and through Facebook transmission or media na lang 'yung discussions, if and when there are urgent bills na kailangan ipasa," dagdag niya.
Una rito, iminungkahi ni Albay Representative Joey Salceda sa liderato ng Kamara at Malacanang na magpatawag ng "virtual" special session ng Kongreso para magpasa ng special powers at supplemental budget para tugunan ang socio-economic ng COVID-19.
Bukod dito, sinabi ni Cayetano na patuloy din na magsasagawa ng pagdinig ang Kamara tungkol sa COVID-19, pero mahigpit na ipatutupad ang social distancing at lilimitahan lang ang mga dadalo.
Paliwanag ng kongresista, "roundtable-style" ang gagawing pagdinig na hindi hihigit sa limang miyembro ng Kamara ang dadalo.
"We will be holding hearings but it is not the usual hearings na napapanood niyo. It will be more roundtable-style. We will only have four, at most five members of Congress present. We will only have one department at a time," paliwanag ni Cayetano.
Simula sa Miyerkules, sinabi ni Cayetano na ipatatawag ang mga opisyal ng Department of Health. Pero hihikayatin umano nila si Health Secretary Francisco Duque III na limang tao rin lang ang isama sa pagdinig.
Lilimitahan din lang umano ang mga miyembro ng media na magko-cover sa naturang pagdinig sa Kamara.--FRJ, GMA News
