Pinaglalamay at pinagbubuhat ng kabaong ang ilang mga pagala-gala pa rin sa isang barangay sa Parañaque bilang pagdisiplina sa kanilang pagsuway sa ipinatutupad na enhanced community quarantine.
Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing 24 oras na ang ginagawang pag-iikot ng mga awtoridad sa Barangay San Isidro para sawayin ang mga lumalabas pa rin kahit wala namang importanteng gagawin.
Nakita pang nagsitakbuhan ang mga tao sa isang eskinita na nakaistambay nang makita nilang kinukuhanan sila ng video. Bistado rin ang ginagawang pagbibinggo, pagsasabong at pag-iinuman ng ilan.
Bilang parusa sa mga nahuhuli, pinaglalamay at pinauupo ng hanggang anim na oras sa harap ng kabaong ang mga lumalabag para maisip umano ng mga ito na seryoso ang banta ng COVID-19.
"Naglalamay sila 'yung mga first offender natin, second offender. Pero 'yung third offender natin, binubuhat nila 'yung ataul, iniikot nila sa ating main road," sabi ni Chairman Noel Japlos ng Bgy. San Isidro.
Nakatanggap ng sampol ang ilang kalalakihan at pinag-ikot sa barangay buhat ang kabaong.
"Nababawasan naman. Kasi nakakahiya kasi kapag nakikita sila, nakakatawa sa kanila pero sa kabilang banda, naiisip nila na talagang seryoso ang ating barangay at ang ating gobyerno," ayon pa kay Japlos.
Ang ilan pa rin sa San Isidro, lumalabas nang dahil sa gutom at kailangan nilang gumawa ng paraan para may makain.
Isang money remittance center ang nakitang pinipilahan ng mga tao.
Si Nica Quinalayo na single parent at no-work no pay, namomorblema kung saan kukuha ng panggastos. Ipinambili na lang niya ng talbos ng kamote ang natitirang pera, na uulamin nilang mag-ina buong araw.
"Siyempre po ngayon gipit po kami, buti kung may mga trabaho kami, hindi kami umaasa sa gobyerno," sabi ni Quinalayo.
Si Joan Paclebar naman, umaasa sa padalang pera ng mga kapatid. Na-stroke ang kaniyang asawa at no-work no-pay siya.
Sinusuportahan din niya ang nanay niyang senior citizen na hindi umano tinutulungan ng barangay.
"Masakit lang talaga 'yung loob ko nu'ng 'yung nanay ko, isang senior, hindi po binigyan kasi hindi raw po taga-rito. Sabi niya, 'Paano pala kung hindi ako taga-rito, senior ako, hindi na kami kakain?'" sabi ni Paclebar.
"Doon po sa nagrereklamo kung bakit hindi sila nabigyan, hindi po sila nakarehistro sa barangay namin na senior citizen at PWD kahit na matagal silang nakatira rito, sapagkat hindi sila nagpaparehistro. 'Yung national po wala naman tayong problema kasi 'yung barangay fund po under sa COA, kailangang ma-liquidate po namin, kailangang nakalagay doon kung sino ang mga beneficiary," paliwanag ni Japlos.
Patuloy naman ang relief operations para sa mga tulad ng nanay ni Joan.
"Mayroon pong relief goods na nanggagaling sa national, sa DSWD na nag-o-augment po sa atin. may relief goods din po na nanggagaling sa city at mayroon din pong relief goods na nanggagaling po sa barangay. 'Yung hindi po inabutan ng barangay, ang city po ang magbibigay sa kanila," ayon kay Paranaque Mayor Edwin Olivarez.
Nagsimula na rin ng mass testing sa Paranaque at kasama na ring sinusuri ang mga suspected case, at mga close contacts nila.
Sa ngayon, 332 na ang confirmed cases ng COVID-19 sa Paranaque, 21 ang gumaling at 23 ang nasawi.
Samantala sa Las Pinas City, malaki na ang ibinawas ng mga sasakyan mula nang makita na marami pa rin ang mga bumabagtas sa Alabang-Zapote Road.
Sinabi ng Las Pinas Police na nakatulong ang mga ginawa nilang paghihigpit, kaya umikli na ang pila ng mga sasakyan sa checkpoint.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News
