Isang lalaki sa Caloocan na nagtatanong lang tungkol sa relief goods ang binugbog at kinulong daw ng barangay officials, ayon sa ulat ng 24 Oras News Alert nitong Lunes.

Ayon sa biktimang si Ramil Victorio, sinuntok at pinalo siya sa ulo ng mga tanod. Nagtatanong daw siya dahil mula nung nagsimula ang lockdown ay hindi pa siya nakatatanggap ng relief goods mula sa barangay.

Sagot naman ng barangay staff, si Victorio ang unang nanakit. Nagtangka rin daw itong mang-agaw ng relief goods.

Lumalabas sa records ng barangay na hindi tagaroon si Victorio kaya hindi siya mabibigyan ng tulong. --KBK, GMA News