Umabot na sa 61,266 ang kabuuang bilang ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) cases sa Pilipinas matapos madagdagan ng 2,498 na mga bagong kaso nitong Huwebes.

Ayon sa Department of Health (DOH), sa 2,498 na mga bagong kaso, 1,246  ang “fresh” o newly validated at 1,252 naman ang "late."

Ang mga lugar na nakapagtala ng pinakamaraming kaso ay ang Metro Manila (1,886), Cebu (198), Cavite (57), Davao del Sur (44), at Laguna (44).

Nadagdagan naman ng 467 ang bilang ng mga gumaling para sa kabuuang 21,440; habang 29 ang nadagdag sa mga pumanaw na umakyat naman sa kabuuang bilang na 1,643.

Ayon sa DOH, 38,183 ang active cases na patuloy na ginagamot at mga naka-quarantine.

Sa naturang bilang, 90.7 percent ng mga pasyente ang may "mild" symptom, 8.5 percent ang asymptomatic, 0.4 percent ang "severe,"  at 0.5 percent ang nasa critical condition. —FRJ, GMA News