Huli sa CCTV ang pagnanakaw ng isang lalaki sa matandang nagtitinda ng palanggana at timba at nakikitulog lang sa isang tricycle sa Maynila, ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa Unang Balita nitong Lunes.

Dahil sa ginawa ng suspek, abonado pa ngayon ang matanda dahil kailangan niyang bayaran ang supplier ng kaniyang mga paninda.

Naganap ang insidente nitong Linggo ng umaga sa Sampaloc, Maynila. Kita sa CCTV na kinuha ng suspek ang sling bag ng biktimang si Leno Muana, 50-anyos.

Agad namang nahuli ang suspek na si Leonardo Reyes na umamin sa krimen. Naibalik ang bag sa biktima pero wala na raw ang laman nitong pera at bitamina.

Ayon kay Reyes, ginamit niya ang perang nagkakahalaga ng P280 para pambili ng pagkain. Pero ayon sa biktima, P5,000 ang laman ng kaniyang bag. Kita raw niya iyon sa tatlong araw nang pagtitinda.

Ayon pa sa biktima, P3,000 ang kailangan niyang i-remit sa kaniyang supplier.

Napag-alaman na No. 2 drug suspect din si Reyes, na nahaharap sa reklamong theft. —KBK, GMA News