Inararo ng isang SUV ang ilang concrete barrier sa EDSA-Shaw Underpass nitong Lunes ng umaga.
Dahil dito, naging mabigat ang trapiko sa northbound lane at hindi rin nakadaan ang mga bus sa EDSA Busway, ayon sa ulat ni Mark Makalalad ng Super Radyo dzBB sa Unang Balita ng GMA News.
Ayon sa driver na si Ismael Romero, galing sila sa Laguna at papuntang Novaliches nang mangyari ang aksidente.
Ginitgit daw siya ng isang truck at hindi niya napansin ang mga concrete barrier.
Hindi naman nasugatan ang driver at ang tatlo niyang pasahero.
WATCH: 5 concrete barriers, inararo ng SUV sa EDSA-Shaw Tunnel (NB); mabigat na trapiko, nararanasan. | via @MMakalalad pic.twitter.com/4LFA56XBuv
— DZBB Super Radyo (@dzbb) August 23, 2020
Nangyari ang aksidente bandang 4:30 ng umaga.
Inabot ng isang oras bago naalis ang limang concrete barrier na nabangga ng SUV.
Sa ngayon ay tuloy tuloy na ang trapiko sa lugar.
Kamakailan ay nagkaroon na rin ng mga aksidente sa EDSA at nabangga ang ilang concrete barrier.
Nitong Linggo ay sinimulan nang palitan ng Metropolitan Manila Development Authority ang mga concrete barrier ng mga steel bollards. —KG, GMA News
