Isang kainan ang ipinasara matapos kumalat sa social media ang post ng isang customer tungkol sa nabili niyang fried chicken na may uod sa Catarman, Northern Samar.
Sa ulat ni Alan Domingo ng GMA Regional TV sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood ang ilang video kung saan marumi ang paligid, nagkalat ang mga basura, at nanlilimahid ang freezer ng kainan nang datnan ng mga awtoridad.
Nag-inspeksiyon ang mga awtoridad dahil sa post sa social media post ng isang customer.
Sinabi ng meat control officer na nagkaroon ang tindahan ng paglabag sa sanitary and meat handling guidelines kaya ito agad ipinasara.
Muling magsasagawa ng inspeksyon ang mga awtoridad kung natugunan na ang mga paglabag, at titingnan kung muli silang papayagang mag-operate.
Ininspeksyon din ang iba pang karinderiya at tindahan sa lugar. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News
