Tinanggap na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbibitiw sa puwesto ni Ricardo Morales bilang presidente at CEO ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth), ayon kay Health Secretary Francisco Duque III.

“Tinanggap po natin at ni Pangulo ang kaniyang pagbibitiw sa puwesto dahil po sa kaniyang kalusugan. Alam po ng lahat na siya po ay may cancer, ito pong lymphoma,” pahayag ni Duque sa press conference sa Calamba, Laguna nitong Huwebes.

Sinabi ni Duque na mas magiging mahirap sa kalagayan ni Morales na sumasailalim sa chemotherapy kung mananatili pa siya sa puwesto.

“Nakausap ko po mismo ang doktor niya sa Cardinal Santos [Medical Center] at ang sabi niya, hindi talaga puwedeng patuloy ang pagganap ng kaniyang trabaho nang hindi makukompromiso ang kaniyang kalusugan, lalo iyong cancer niya, very invasive,” dagdag ni Duque.

Sinabi naman ni presidential spokesperson Harry Roque na wala pang nakikitang ipapalit si Duterte kay Morales.

Napag-alaman na naghain ng kaniyang resignation letter si Morales nitong Miyerkules na kinumpirma naman nina Roque at Senador Christopher "Bong" Go.

Sa pagdinig sa Kamara de Representantes, sinabi ni PhilHealth corporate secretary Jonathan Mangaoang na si PhilHealth executive vice president Arnel De Jesus ang itinalagang officer in charge sa ahensiya sa pag-alis ni Morales.

Sinabi rin ni Duque na tinanggap din ni Duterte ang pagbibitiw sa puwesto ni PhilHealth senior vice president for the legal sector Rodolfo del Rosario.

“Personal ang kaniyang kadahilanan, dahil roon sa six-month preventive suspension [na hinain ng Office of the Ombudsman], hindi niya kayang buhayin ang pamilya niya na naghihintay ng anim na buwan kaya minabuti niya na magbitiw at maghanap ng ibang trabaho,” ayon sa kalihim.

Tiniyak naman ni Duque na hindi naman mangangahulugan na ligtas na sa imbestigasyon sina Morales at Del Rosario kahit nagbitiw na sa kanilang mga puwesto.

“They will have to cooperate, they have to make themselves and documents available as long as the investigation is ongoing. That [resignation] will not exempt them from obligations,” paglilinaw niya.

Target umanong mahanapan ng kapalit ang mga nagbitiw na opisyal sa loob ng isang linggo.

“The President right now is looking for a replacement. Pinupuntirya natin na within the week sana po ay magkaroon na ng bagong pangulo at punong tagapagpatupad ang Philhealth," ani Duque.

"Ang qualification, siyempre marunong sa finance dahil ang tagumpay ng PhilHealth ay nakasalalay sa actuarial sustainability. Kung maalam sa accounting, mas magaling. May background sa legal, magaling rin [iyon],” dagdag niya.—FRJ, GMA News