Ilang motorista ang nagrereklamo sa nawawala o nababawas na load sa kanilang Easytrip Radio-frequency identification o RFID stickers kahit 'di nila nagamit. Maging ang isang opisyal ng Toll Regulatory Board (TRB), nakaranas din daw ng katulad na problema.
TALAKAYAN: Total cashless toll collection sa expressway, dapat ba munang ipagpaliban?
Sa ulat ni Ivan Mayrina sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabi ng nagreklamong motorista na si William Herrera na dalawang sasakyan niya ang pinaglagyan niya ng RFID at inilagay niya ang dalawang ID number sa isang application lang.
Pero nang dumaan umano si Herrara sa toll ng NLEX, maging ang isa niyang RFID sticker ay nakaltasan.
“Pinagsama ko sa app para ma-track ‘yong usage (tapos) lumabas na ‘tong kotseng ito ay nabawasan din pero ang nakalagay na time stamp ng paggamit ay September 27. Malabo dahil October 7 ko na nabili ‘yong RFID," paliwanag ni Herrera.
"‘Yong isang kotse, hindi pa dumadaan (sa NLEX) pero naka-reflect sa app nila na dumaan na ng tatlong beses sa NLEx scanners,” dagdag pa niya.
Inireport daw ni Herrera ang insidente sa Toll Regulatory Board (TRB).
Pero sabi ni TRB Executive Director Engr. Abraham Sales, naranasan din niya ang nangyari kay Herrera.
“Hindi ko naman ginagamit, noong tiningnan ko ‘yong app, P200 na lang. Sabi ko, bakit ganoon? So siyempre pina-check ko, may deperensiya raw ‘yong application, under maintenance,” sabi ni Sales.
Ayon sa Metro Pacific Tollways Corp., na namamahala sa NLEX at Easytrip ID, nagkaroon ng "glitch" ang kanilang sistema nitong weekend at patuloy pa raw nilang pinapahusay ang kanilang serbisyo at app.
Sinabi naman ni MPTC Chief Communication Officer Romulo Quimbo, awtomatikong ibinabalik naman daw sa motorista ang halagang basta na lang nawala sa load.
“Nagkaroon tayo ng glitch so it was as if two cars ang dumaan doon sa system namin. We have confirmed it internally na hindi naman dalawang beses siya na-charge for the same trip. Hindi lang na-reflect agad sa app,” paliwanag ni Quimbo.
Ang RFID ay tila sticker na may barcode na babasahin ng scanner kapag dumaan ang sasakyan sa tollways.
Simula sa November 2, ipatutupad ang cashless system sa paggamit ng mga expressway para maiwasan ang hawahan ng coronavirus disease (COVID-19).
Pero ipinagpaliban ng Department of Transportation ang total implementation ng cashless system hanggang Disyembre 1 dahil marami pa umano ang motorista na hindi nakakapagpalagay ng RFID.
Easytrip ID ang ginagamit sa NLEx, Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEx), Manila-Cavite Expressway (CAVITEx), at Cavite-Laguna Expressway (CALAx) ng MPTC.
Habang Autosweep ID naman sa ginagamit sa Skyway, South Luzon expressway (SLEx), STAR Tollway, Tarlac–Pangasinan–La Union Expressway (TPLEx), Ninoy Aquino International Airport Expressway (NAIAx), at Muntinlupa-Cavite Expressway (MCX) ng San Miguel Corporation.
Kamakailan lang, hiniling ni Valenzuela City Representative Wes Gatchalian sa Department of Transportation (DOTr) na ipagpaliban ang full implementation ng cashless toll collection sa mga expressway dahil na rin sa mga problema sa RFID system at hindi pa nababasa ng magkabilang sistema ang dalawang RFID tags.--FRJ, GMA News

