Sinabi ni Armed Forces of the Philippines (AFP) chief Lieutenant General Cirilito Sobejana nitong Lunes na hindi pa rin umaalis ang mga Chinese militia vessel na nasa Julian Felipe Reef na sakop ng West Philippine Sea.

“Nandun pa at binibilang naming mabuti,” ayon kay Sobejana.

Noong Marso 7, 220 nang nakita ng National Task Force for the West Philippine Sea sa Julian Felipe Reef na nakahilera ang mga malalaking bangkang pangisda na minamandohan ng Chinese maritime militia.

Ayon kay Sobejana, ilang sasakyang panghimpapawid ng AFP ang kasalukuyang nasa Julian Felipe Reef.

Sa panayam sa radyo nitong Lunes, sinabi ni AFP spokesperson Major General Edgard Arevalo, na inatasan ni Sobejana ang sandatahang lakas na magsagawa ng air maritime patrol sa naturang lugar.

Magpapadala rin umano sila ng ulat sa Department of National Defense tungkol sa mga Chinese maritime militia.

Nitong Linggo, sinabi ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin, Jr.  na maghahain ang bansa ng diplomatic protest laban sa China tungkol sa naturang usapin.—FRJ, GMA News