Patay ang isang lalaking Person With Disability (PWD) matapos masunog ang kanilang bahay sa Barangay Olympia, Makati City.

Sa ulat ni Mai Bermudez sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente nitong Lunes, kung saan naiwan sa second floor ang 25-anyos na biktima, ayon sa kaniyang pinsan at tagapag-alaga.

"Kasi kama niya iyon, 'yung sa tabi ng bintana. Baka nagliliyab 'yung kama niya kaya napaso na siya. Kasi hindi ako makapasok kasi bumagsak na rin 'yung pinto, parang may bumagsak," sabi ni Gigi Martinez, pinsan ng biktima.

Tinangka pang iligtas ang biktima pero nilamon na ng sunog ang kanilang bahay. Wala na siyang buhay nang ilabas ng mga awtoridad.

Bukod sa isang nasawi, may napaulat pang isang sugatan, dalawang nahilo at isang nahirapan sa paghinga.

Tumagal ng higit isang oras ang sunog at 12 bahay ang tinupok ng apoy..

Nahirapan umano ang mga bumbero na apulahin ang apoy dahil gawa ang mga bahay sa light materials.

Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang pinagmulan ng sunog.--Jamil Santos/FRJ, GMA News