Ibinasura ng Makati City Prosecutor’s Office ang reklamong kriminal na isinampa ng pulisya laban sa 11 katao kaugnay sa pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera noong Enero. Kabilang sa mga pinawalang-sala ang mga kaibigan ni Dacera.
Ayon sa Office of the Prosecutor General, walang nakitang basehan ang piskalya para iakyat sa korte ang reklamong rape with homicide laban sa mga suspek.
Ang mga pinawalang-sala ay sina John Pascual dela Serna III, Rommel Galido, John Paul Halili, Gregorio Angelo Rafael de Guzman, Jezreel Rapinan (alias Clark Rapinan), Alain Chen (aliases Valentine Rosales at Val), Mark Anthony Rosales, Reymar Englis, Louie Delima, Jamyr Cunanan, at Eduard Pangilinan III.
“Justice has prevailed,” sabi sa text message ni Atty. Mike Santiago, abogado ng lima sa mga respondent.
Sa ulat ng GTV "Balitanghali," sinabing tiwala rin si Santiago na ibabasura rin ng piskalya ang mga reklamong inihain ng National Bureau of Investigation (NBI) laban sa kaniyang mga kliyente.
Sinabi naman ng kampo ni Dacera na hindi pa nila natatanggap ang opisyal na kopya ng desisyon, na ginawa ni Makati Assistant City Prosecutor Joan Bolina-Santillan.
“We will talk to the client regarding this. As what we have consistently said, we will exhaust all remedies under the law to protect the rights of our client,” ayon kay Atty. Jose Ledda III, isa sa mga abogado ng pamilya Dacera.
Bagaman nabasura na ang kasong isinampa ng pulisya, nanatili namang nakabinbin ang kasong inihain ng NBI kaugnay pa rin sa pagkamatay ni Dacera noong Enero 1.
Kabilang sa mga isinampang reklamo ng NBI laban sa mga suspek ay paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act, perjury, obstruction of justice, at reckless imprudence resulting in homicide.
Naniniwala ang pamilya ni Christine na pinagamit siya ng droga at inabuso nang dumalo sa New Year's Eve celebration sa isang hotel sa Makati kasama ang mga kaibigan.
Pero itinanggi ng mga kaibigan ni Dacera na inabuso nila ang dalaga.
Una rito, lumabas sa medico legal report ng PNP Crime Laboratory na ruptured aortic aneurysm dulot ng high blood ang dahilan ng pagkamatay ni Christine.—FRJ, GMA News
