Umabot sa 10,775 ang mga bagong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, batay sa inilabas na datos ng Department of Health nitong Miyerkules.

Ayon sa DOH, 10,699 o 99% nito ay nangyari sa nakalipas na 14 araw na mula December 23 hanggang January 5, 2022.

"The top regions with cases in the recent two weeks were NCR (7,420 or 69%), Region 4-A (1,719 or 16%) and Region 3 (798 or 7%)," sabi ng DOH.

Halos doble ito ng 5,434 na mga kaso na naitala nitong Martes.

Samantala, umangat sa 39,974 ang mga aktibong kaso. Sa naturang bilang, 1,294 ang asymptomatic, 33,866 ang mild, 2,983 ang moderate, 1,512 ang severe, at 319 ang kritikal ang kalagayan.

Nasa 31.7% ang positivity rate mula sa 44,643 na isinagawang COVID-19 tests.

Nadagdagan naman ng 58 ang mga bagong nasawi, para sa kabuuang bilang na 51,662. Mayroon namang 605 na mga bagong gumaling.

"Lahat ng mga laboratoryo ay operational noong January 3, 2022, habang mayroong 9 laboratoryo na hindi nakapagsumite ng datos sa COVID-19 Document Repository System (CDRS)," ayon sa DOH.

"Base sa datos sa nakaraang 14 na araw, ang kontribusyon ng 9 labs na ito ay humigit kumulang 2.2% sa lahat ng samples na naitest at 5.3% sa lahat ng positibong mga indibidwal," dagdag nito.--FRJ, GMA News