Inihayag ng Bureau of Immigration (BI) na hindi pa bumabalik sa Pilipinas si dating Public Works Secretary Manuel Bonoan, sa kabila nang nauna niyang inihayag na uuwi siya mula sa Amerika sa Disyembre 17, Miyerkoles.

Umalis ng Pilipinas si Bonoan-- na nasa Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO)—noong Nobyembre 11, at lumipad pa-Amerika para samahan umano ang asawa na magpapagamot.

Nakasaad noong umalis siya na babalik siya sa bansa sa December 17, 2025.

'Records show that he has not returned to the Philippines to date, despite indicating December 17, 2025 as his return date in his letter, through counsel, on November 10, 2025," ayon kay BI Spokesperson Dana Sandoval nitong Huwebes.

Kabilang si Bonoan sa mga dating opisyal ng DPWH na inirekomenda ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na kasuhan kaugnay ng anomalya sa paggamit ng pondo para sa flood control.

Dati nang itinanggi ni Bonoan na may kinalaman siya sa umano’y mga anomalya sa proyekto. – Sundy Locus/FRJ GMA Integrated News