Isang babae sa Maynila ang ipinakulong ng dati niyang kaibigan dahil umano sa masasamang sinabi nito tungkol sa kaniya, ayon sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Miyerkules.
Hindi raw inaasahan ni "Marisol" na sa kulungan siya babagsak matapos makaaway ang kaniyang dating kaibigan noong Disyembre.
Ayon kay Marisol, gumanti lamang siya matapos magsalita ng hindi maganda tungkol sa kaniya ang dating kaibigan.
Nauwi sa murahan ang pagtatalo ng dalawa at maging ang nanay ni Marisol ay nadamay.
Bagama't alam ni Marisol na idinemanda siya ng dating kaibigan, wala raw siyang natanggap na subpoena mula sa korte. Kasong grave oral defamation ang ikinaso sa kaniya.
Nagsampa na rin ng kaso si Marisol laban sa dating kaibigan. —KBK, GMA News
