Nasapul sa CCTV ang pamamaril sa isang babae, na agad ding namatay, sa Las Piñas City nitong Martes ng gabi.

Sa ulat ni Mai Bermudez sa Unang Balita nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang pamamaril pasado alas-11 ng gabi sa may Bernabe Compound, Barangay Pulang Lupa Uno, Las Pinas.

Makikita sa kuha ng CCTV na  dumating ang isang nakabisikletang lalaki na may takip ang mukha at lumapit sa dalawang babae na nag-uusap.

Walang anu-ano'y bumunot ng baril ang salarin at dalawang beses na pinaputukan ang isa sa dalawang babae. Nakatakbo pa ng ilang metro ang biktima pero bumagsak din.

Kinilala ang biktima na si Mary Ann Donor, 35-anyos, na bumili lang ng ulam bago magyari ang krimen.

Nabaril din umano si Mary Ann tatlong linggo na ang nakararaan, pero naareglo ng barangay ang kaso. Binaril siya ng isang kilalang pusher sa lugar.

Iniimbestigahan sa ngayon ng Las Piñas Police kung konektado ang naunang insidente sa nangyari sa biktima. 

Pero ayon sa kapatid ni Mary Ann, posibleng may kinalaman sa iligal na droga ang motibo sa krimen.

Nakulong na umano dati ang biktima dahil sa paggamit ng iligal na droga. —LBG, GMA News