May maganda balitang aasahan ang mga motorista sa susunod na linggo dahil sa malakihang rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo.

Ayon sa oil industry source ng GMA News Online, posibleng matapyasan ng P6.30 hanggang P6.50 per liter ang presyo ng diesel.

Nasa P5.70 hanggang P5.90 per liter naman ang posibleng mabawas sa presyo ng gasolina.

Sa text message, kinumpirma ni Department of Energy-Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad, ang posibleng malakihang oil price rollback.

Ayon kay Abad, nasa P4 hanggang P6 per liter ang maaaring mabawas sa mga produktong petrolyo.

Ang mga itinuturong dahilan sa malaking tapyas sa presyo ay ang lockdown sa Shanghai, China, interest hikes sa iba't ibang bansa, at banda ng recession na makakaapekto sa demand sa langis.

Karaniwang opisyal na inaanunsyo ng mga oil company ang price adjustments sa Lunes at ipatutupad sa Martes.— FRJ, GMA News