Binaril at napatay ng isang security guard ang dalawang kapuwa niya sekyu sa isang bahay sa  Makati City. Ang suspek, nagalit umano nang makitang kanin lang ang nakahaing pagkain.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, kinilala ang mga biktima na sina Jay-Ar Tomenio at Eugene Sitjar, na kapuwa nagtamo ng mga tama ng bala sa ulo at sikmura.

Naaresto naman ng mga pulis ang suspek na si Julius Cortez, na tinangka pa umanong tumakas sa katabing subdibisyon.

“Nung hapon nag-inuman yung suspek kasama yung isang victim. Pagkatapos nilang mag-inuman, may naihain na pagkain nilatag sa mesa, napansin nitong suspek na yung pagkain lang nandon is rice wala yung ulam, so uminit yung ulo niya,” ayon kay Police Colonel Edward Cutiyog, hepe ng Makati police.

Itinuro ng dalawang saksi na si Cortez ang bumaril sa mga biktima.

Hindi naman nagbigay ng komento ang suspek tungkol sa nangyaring krimen.—FRJ, GMA News