Napinsala ang simbahan ng Iglesia Filipina Independiente sa La Paz, Abra, matapos ang magnitude 6.4 earthquake na tumama sa Lagayan, Abra nitong Martes ng gabi.

Sa ulat ng GMA Regional TV News "One Central Luzon," makikita ang ilang larawan ang pinsala na tinamo ng simbahan na nagkaroon ng lamat sa dingding at kisame, at bumigay ang belfry.

Napag-alaman na nauna nang nagtamo ng napinsala ang simbahan sa nangyaring lindol noong lang nakaraang Hulyo.

Ipinakita rin sa video ang tinamong pinsala ng isang bahay sa Barangay Madamba sa Dingras, Ilocos Norte.

Sa social media, naglagay ang mga lokal ng pamahalaan ng emergency contact numbers para sa mga kailangan ng agarang tulong dahil sa epekto ng lindol.

Kasabilang sa LGUs ang Baguio City, Abra province, Ilocos Norte, Isabela, at Pangasinan.

Nag-post din ng video si Tuguegarao Mayor Maila Ting Que nang mag-ikot siya sa kaniyang nasasakupan upang alamin ang naging epekto sa kanila ng lindol.

Sa Batac, Ilocos Norte, inihayag ng Bureau of Fire Protection (BFP) na hindi madaanan ang Barani to Ben-agan Bridge.

Agad namang rumesponde ang rescue unit nang makatanggap ng mensahe ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa Ilocos Sur na may humingi ng tulong para nasaktang schoolmate sa isang dormitoryo sa University of Northern Philippines.

Ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) ng Abra, mayroong 10 katao na nasaktan sa nangyaring lindol.

“So far, meron tayong anim na individuals na injured sa Lagayan, isa sa San Quintin, at tatlo po sa San Juan,” sabi ni PDRRMO officer-in-charge Arnel Valdez sa panayam ng Super Radyo dzBB. -- FRJ, GMA News