Naudlot ang paglipad ng isang eroplano sa Taiwan matapos sumabog ang power bank ng isang pasahero at magdulot ito ng sunog. Dalawa sa mga pasahero ang sugatan, kabilang ang may-ari ng gadget.

Sa ulat ng "24 Oras Weekend" nitong Sabado, sinabing papalipad na ang naturang eroplano papuntang Singapore pero nabulabog ang mga pasahero nang mag-overheat at sumabog ang power bank.

Agad tumugon ang cabin crew at naapula ang sunog. Kinailangan namang bumalik sa gate ng airport ang eroplano at pinababa ang mga pasahero.

Agad ding binigyan ng first aid ang sugatang may-ari ng power bank.

Ni-reschedule ang flight at binigyan ng accommodation at meals ang mga naabalang pasahero. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News