Nakubra na ng isang mananaya mula sa Northern Samar ang napanalunan niyang mahigit P63 milyon sa Super Lotto 6/49 draw noong February 19, 2023.

Sa pahayag ng Philippine Charity Sweepstake Officer nitong Biyernes, sinabing mga numerong 47-46-35-25-15-04 ang tinamaan ng mapalad na 46-anyos na mananaya, na may kabuuang premyo na P63,152,025.00.

Inihayag umano ng lotto winner, na may maliit na sari-sari store, na 25 taon na siya tumataya sa lotto.

Kombinasyon umano ng kapanganakan ng kapamilya at kaanak ang tinamaan nitong mga numero.

Magbibigay umano siya ng donasyon sa simbahan, at ilalagak sa negosyo ang bahagi ng napanalunan, pati na sa pag-aaral ng kaniyang mga anak.

Samantala, isang mananaya naman mula sa Mandaue City, Cebu ang tumama sa Lotto 6/42 draw nitong Huwebes, Marso 9, 2023.

Ang lumabas na mga numero ay 06-18-26-29-12-11, na may premyong P16,319, 245.20.--FRJ, GMA Integrated News